Friday, 26 October 2018

Natatakot ako. Natatakot ako na isulat ka. Baka maging tulad mo sila. Silang mga taong isinulat ko dahil nagkaroon ako ng pagtangi sa kanila.

Hindi ko alam kung may sumpa ako. Na kapag nailagay ko ang lahat lahat ng nararamdaman ko bigla na lang mawawala sila sa buhay ko. Na parang inubos ng papel ang damdamin ko, ang mga pagkakataong maaari naming gawin, na parang itinadhana na lamang silang manatili sa papel.

Kaya maintindihan mo sana kung bakit ako natatakot. Ayokong mawala ka. Ayokong mawala ang nararamdaman ko sayo. Sa unang pagkakataon, gusto kong subukan. Gusto kong makilala ka. Gusto kong sayo ako umibig. Gusto ko.

Kaya naman sana hindi ito maging sumpa. Sana po talaga. Hindi ko mapigilan ang sarili ko, pagsusulat lamang ang tangi kong alam sa pagpapakalma ng damdamin ko.

P.S. Sa susunod na pagngiti mo, sana makangiti ako o sana makausap kita. Sana bigyan tayo ng pagkakataon...

No comments:

Post a Comment