Saturday, 13 October 2018

Mandurugo


                                                                                              

“Jonelin.” Napatigil ako ng marinig ang pangalan na iyon. Na sa isang iglap ay may kung sinong sumampal sa akin ng marahan ngunit may kaukulang diin.  Nagragasang parang tubig ang mga alaalang tumakas.
“Ulitin mo nga ang sinabi mo.”
Nagtataka man ay sumunod na rin ang babae. “Jonelin.” Mapang-akit ang boses nito. At parang isang hudyat, nagsimula na nitong alisin ang pulang damit. Sinunod ang masikip na pantalong hapit sa hita. Naglakbay ang aking mga mata. Pumikit ang bumangong pagnanasa. Napalitan ng isang damdaming matagal na ring hindi ko naramdaman. Akala ko ay maingat ko na itong naitago sa pinakasulok ng aking isipan. Yung tipong ako lamang ang may kontrol kung kailan ito palalabasin. Pero hindi pala. Hanggang ngayon, ito pa rin ang may hawak sa akin. Unti unti, ang koloreteng mukha ng babae ay napalitan ng isang batang babaeng nag mamay-ari ng singkit na mga mata.

Bagong salta ang pamilya namin sa bayan na iyon. Mainam talaga ang salitang ‘salta’ para ilarawan sa pamilya namin. May kaunting kahulugan ng pagkaligaw. Naghahanap lang kasi si Tatay ng isang lugar kung saan kami maitatambak ni Mama. Kahit hindi nila sabihin, alam kong may ibang babae ang Tatay. May mga tenga akong nakakarinig sa mga magdamag kung saan bulyawan at sigawan ang inihahain ni Mama pagdating ni Papa sa trabaho. At binabati rin ako ng namamagang mata ni Mama sa umaga. Sa mga puntong ito, hindi ko na tinatanong kung nasaan ang Papa, para saan pa, kung kahit iyon ay hindi rin masagot ni Mama.
Hindi na rin ako nagulat ng Sabado at Linggo lamang umuwi ang Papa. Swerte pa nga dahil pakiramdam ko hindi na siya uuwi sa amin. O siguro wag na lang. Damang dama ko ang pagkukunwari nila kapag nanonood ako ng TV sa sala.  Hindi nila kakausapin ang isa’t isa at ako ang guguluhin nila. “Kamusta sa labas? Naglibot-libot ka na ba dito? May mga bata dyan, nakipaglaro ka na ba?” Sa mga ganitong tanong, palitan lamang ng oo at hindi ang sagot ko. Hindi ko masabi kay Mama na alam mong hindi pa ako lumalabas, sapagkat alam ko, ito lamang ang kanyang pagtakas sa gumuguho ng relasyon nila ni Tatay. Ang pagkukunwaring mabuti ang lahat kahit man lang sa presensiya ko. Hindi ba nila alam na mas nakakasakit ito, na mas nakakasakal? Minamaliit nila ang kakayahan ng isang batang makaunawa ng lahat.
Kaya gusto kong patunayan na nakakaunawa ako sa lahat ng bagay, kahit sa mga bagay na mahirap paniwalaan. Doon siya biglang pumasok. Si Jonelin. Yung kaisa isang batang hindi man lang ako tinapunan ng tingin ng magpakilala ako sa harap ng klase.  Basta nakatingin lamang siya sa bintana, nakangiti na para bang may kung anong nakakaaliw na tanawin sa labas. Hanggang sa makaupo ako at makahanap ng katabi, hindi niya ako tinignan. Sinubukan kong sumulyap sa labas at tumambad lamang sa akin ang masukal na kakahuyan.
Mabilis akong nagkaroon ng mga kalaro sa mga kaklase ko at minsan pa nga ay ginagabi na ako ng uwi. Sinasadya ko talaga ito. Gusto kong maipakita na mabuti ang lahat. Na nag –eenjoy ako sa pagtira sa bayan na ito. Na ang tambakang nilikha ni Papa ay hindi talaga tambakan kungdi isang tahanang unti unti kong kinikilala. Kahit man lang sa amin ni Mama. Ngunit may mga katotohanang hindi ko pa rin maintindihan sa lugar na ito. Na ang lugar na ito ay napapalibutan ng mga nakatagong usapang sumesentro sa batang babae. Na animo’y isang ulap na laganap san mang dako ng bayan. Walang nakikipagkwentuhan o nakikisabay sa kanya sa pagkain. Umuuwi rin siyang mag isa. Tinanong ko minsan si Gino kung bakit walang kaibigan ang batang babaeng iyon. At ang sagot lamang ng katabi ko ay pagkibit balikat. “Hindi ko alam.  Sabi ng mama ko, wag daw akong lumapit sa kanya. Baka raw mahawa ako.”
“Ng ano?”
“Hindi ko alam. Hanggang doon lang sinasabi ni Nanay. Wala na rin akong pakialam. Hindi ko naman siya makakalaro sa sipa, sa teks o sa taguan.”

Oo. Mahilig nga kaming maglaro ng taguan. At sa paglalaro ko ng taguan ay lumitaw ang isang pagkakataong hindi ko inaaasahan. Sa kagustuhang makalamang sa aking mga kalaro, naisipan kong magtago sa kakahuyan. Tumakbo at tumingin sa magandang pagtataguan. Sumuot ako sa malaking puno. Nang una, may saya pang hatid sa pagtatago. Siguradong matagal bago nila ako mahuhuli. Ngunit nakaramdam na ako ng pag-aalala ng abutan na ako ng paglubog ng araw. Mamaya ay matatapos na ang hapon at papalitan na ito ng tahimik na gabi. Mahirap mag isa sa kakahuyan kapag gabi. Hindi ko alam kung sino o ano ang nagtatago rin sa kakahuyan. Tumakbo ako at hinanap ang direksyon sa aming paaralan ngunit hindi ko na matandaan ang daan. Lumalakas ang tibok ng puso ko na nagpapabingi sa kakayahan kong mag-isip. Nararamdaman ko na rin ang pawis sa aking noo. Hindi pwede. Kailangan kong makauwi. Kailangang may kasama ang inay. Hindi ako tutulad kay Tatay.
Sa pag iisip na ito ay naramdaman ko ang presensiya ng kung sino o ano sa likod ko. Natatakot akong lumingon. Baka hindi ko magustuhan ang babati sa akin. Napahiyaw ako ng may humawak na malamig sa aking balikat. Tumambad sa akin ang nagulat ding mukha ng batang babae. Nakahinga ako ng maluwag. Buti siya lamang ang nakita ko.
“Bakit ka nandito?” May kakayahan din pa lang magsalita ang batang babae. Napakamot ako sa aking ulo.
“Naliligaw ako. Nagtataguan kami nila Gino. Naisipan kong dito magtago sa kakahuyan kaya lang hindi ata nila ako dito hinanap. Kaya ayun.”
Tumango ang batang babae. “Hindi taguan ang kakahuyan sa mga batang tulad mo.” Napakunot-noo ako sa sinabi niya. Hindi rin ba siya batang tulad ko?
“Maghubad ka.” Medyo nabingi ako sa sinabi niya. “Ano? Anong gagawin ko?”
Tinuro ng batang babae ang T-shirt ko. “Hubarin mo iyan at baliktarin mo ang pag suot. Dalian mo habang hindi pa kumakalat ang dilim. Habang nakikita pa niya ang ginagawa mo.”
Hindi ko alam kung sino ang tinutukoy niya pero sa pagkakasambit nito na may kung sinong nakatingin sa amin, tumalima na rin ako. May pagdiin at pagmamadali sa kanyang utos. Tumalikod ako dahil wala atang balak ang batang babaeng ilayo ang tingin sa ginagawa ko.
“Okay na.” Sinulyapan niya ng tingin ang baligtad kong damit. Tumango muli siya at nauna ng maglakad. Sinundan ko siya.
“Sino yung tinutukoy mo na nakatingin sa atin?”
“Kapre.”
“Kapre?!”
Tumango uli siya. “Nililigaw ng kapre ang mga batang pagala gala sa kakahuyan. Lalo na yung mga bagong salta o ngayon lamang niya nakita. Mahilig din silang makipaglaro. Taguan. Kaya siguro inililigaw ka niya. Sa paglalaro nila, ang gusto nilang itago ay ang mismong bata. Kumbaga kailangan mahanap ng bata ang sarili niya. Minsan naman inililigaw talaga nila ang mga bata para manatili ng matagal sa kakahuyan. Nalulungkot din sila at kailangan din nila ng taga aliw.” Ang walang anumang pagpapaliwanag ng batang babae sa kanya. Na para bang alam na alam nito ang sinasabi.
“Nakakatakot naman palang makipaglaro ang mga kapre. Eh bakit kailangan kong magsuot ng pabaligtad?”
“Senyales daw ito ng pagsuko mo sa larong nilikha nila. Na para bang sinasabi mo na hindi mo na mahanap ang iyong sarili. Minsan naman, nag iinspeksiyon din sila. Baka sutil kang bata at may kinuha kang pagmamay ari nila. Kapag naghubad ka at nakita nilang walang nalaglag o nakatago sa loob ng damit mo, papalayain ka nila. Nandito na tayo.”
Hindi ko napansin na nasa tapat na pala kami ng paaralan. Nakatambad sa akin ang gate ng Bagong Buhay B Elementary School. Iniligaw nga siguro ako ng kapre dahil pakiramdam ko ay mabilis lamang ang paglalakad namin.
“Sala—“ Hindi ko na naituloy ang aking sinasabi ng makita ko ang batang babaeng naglalakad ng palayo sa akin. “Maraming Salamat!” Hindi siya lumingon sa akin. Hindi rin ako sigurado kung narinig niya ako. Ang sigurado ko lamang sa oras na iyon, hindi ako kungdi siya ang nakahanap sa akin.
Gusto ko ang mga kwento. Yung mga kwentong alam mong hindi nagkukunwaring sila ay hindi totoo. Kaya nga mga kwento sila. Laging may bahid ng panlilinlang at katotohanan. Dalawang magkasalungat na katangiang matatagpuan sa isang bagay. Parang siya. Kayang kaya niyang pagsamahin ang dalawang katangiang ito. Hindi katulad nila Mama at Papa. Kitang kita ko ang bahid ng pagkukunwari. Pero kay Jonelin, hindi.  May dahilan siya sa bawat bagay. Minsan hindi galing sa mundong ito at minsan naman mapapatanong ka kung ang mundong ito ay talagang mundo mo. Basta ganun. Parang ang katotohanan at panlilinlang ay iisa at hindi mo na mapagsino ang pagkakaiba.
Kaya nga ng marinig ko ang kwento tungkol sa kanyang ina ay hindi agad ako naniwala. Hindi sila magaling magkwento. Gusto kong tanungin siya mismo.
“Ano ba ang mga narinig mo?”
“Na ang nanay mo raw ay isang Mandurugo?”
“Pinakasalan lamang daw ng iyong ina ang iyong ama upang kainin ito pagkatapos. Ang iyong ina daw ang dahilan kung bakit ang ama mo ay namatay matapos ng isang taong pagsasama. Na ang bawat ha-“  Tumigil ako sa aking pagsasalita.
“Bakit ka tumigil? Ituloy mo.” Nag dalawang isip muna ako kung itutuloy ang narinig kong usap usapan tungkol sa kanyang ina. Hindi ko ata kayang sabihin ang mga salitang iyon pero itinuloy ko na rin sapagkat hiling niya at parang hindi naman siya nagagalit.
“Na ang bawat halik at yakap daw na ibinibigay ng iyong ina ay may lason. Hindi raw ito alam ng iyong ama bago sila magsama. Kaya nagtataka daw ang mga tao na ang dating malakas mong ama ay unti-unting nanghihina. Na parang sa bawat halik at yakap na ibinibigay ng iyong ina ay binabalik naman ng iyong tatay  ang lakas nito at kaluluwa. Yun daw ang sumpa.”
Walang sinabi si Jonelin tungkol dito. Mahabang sandali ng katahimikan ang lumipas. At sa sandaling iyon ay makailang ulit niyang sinisi ang sarili sa pagsasabi ng usap usapan na narinig niya sa kapitbahay nilang si Aling Edna. Pinayuhan kasi nito ang kanyang ina na alagaan siyang mabuti at kilalanin ang mga batang kinakaibigan. Mas lalong napaigting ang pagkaayaw ko sa kapitbahay naming iyon.
“Tama sila. Mandurugo nga ang nanay ko.” Malugkot ang singkit niyang mga mata.
“Pero siya yung klase ng mandurugo na hindi ginusto ang nangyari sa kanya. Hangga’t maaari ayaw niyang maging mandurugo. Ayaw niyang mabahiran ng lason ang bawat yakap at halik na ibinibigay niya sa aking ama. Lahat ng iyon ay hinahaluan niya ng pagmamahal. Pero hindi niya mapipigil ang lason. Gusto niyang palakasin ang pagmamahal ngunit nakakatikim pa rin ang aking ama ng lason. Tinatanggap lamang ito ng aking ama katulad ng pagtanggap sa katauhan ng aking ina. Mahal na mahal niya ito. Pero kahit pagsamahin ang kanilang pag ibig, wala pa ring makakapigil sa lason. Tumutulay ito. Naghahanap ng masasalinan.” Tumingin siya sa akin ng matiim. Ang kanyang singkit na mga mata’y nagpakawala ng luha.
“Nahanap niya ko Brylle. Isa na rin akong mandurugo.”

Ang pagsisiwalat ng tunay niyang katauhan ay mas nagpaigting pa upang lumapit ako sa kanya. Walang pagkukunwari. Katulad ng isang pagsabog ng bomba, gulo ang kahihinatnan nito ngunit ngayon sa pagkakatingin ko sa kanya, nakaramdam ako ng isang kapayapaan. Isang kapayapaan na may halong pagtitiwala. Pinagkatiwalaan niya ako sa isang lihim. Hinayaan niya kong tanggapin ang kahit na anong nakikita at aking naririnig. Kahit pareho kaming bata.
Ngunit ang pagiging bata ay may kaukulang konsekwensiya. Nakikita ko to sa kanya. May mga araw na hindi siya pumapasok at kapag pumasok naman siya ay napapansin ko ang maliliit at mapupulang pantal sa kanyang leeg, bibig at sa ibang parte ng kanyang katawan.
“Kapag tulog ako, nararamdaman ko ang paglapit ng duwende sa akin. Kinukurot nila ang aking katawan. Parang nanggigigil sila. Pero wag kang mag-alala, ito lamang ang kanilang magagawa. At hindi naman masakit.”
Minsan naman halata ang kanyang panghihina. Mas lalo siyang naging tahimik at halata sa kanya na hindi siya masyadong nakakatulog base na rin sa panglalalim ng kanyang mga mata.
“Oo. Hindi ako masyadong nakakapahinga. Bumibisita sa akin ang Batibat kapag gabi. Dinadaganan niya ako. Mabuti na lamang at alam ko ang makakapagpaalis sa kanya.”
“Ano?”
Tinuro nito ang hinlalaki sa kanang paa nito. “Para mapaalis ang Batibat, kailangan mo tong galawin.” Ginalaw nga ni Jonelin ang hinlalaki nito. Napatawa ako. Ngumiti siya ngunit mabilis ding nawala iyon.
“Pero sana wag niya na akong dalawin. Nahihirapan akong makatulog. Mabigat siya kaya nahihirapan akong huminga. Hindi ako makahinga. At paggising ko, parang dama ko pa rin ang bigat niya. Nagigising ako na punong puno ng pawis.. Napapagod na ako. Gusto ko ng magpahinga.”
Damang dama ko ang katotohanan sa kanyang katawan at sa paraan ng kanyang pag buntung hininga. Mahina. Walang buhay. Napansin ko rin ang biglaan niyang kapayatan.
“Bakit ba nila ginagawa to sayo?”
“Dahil alam nilang isa akong Mandurugo.”
“Wala akong sinabihan kahit kanino.”
“Alam ko, ibinulong ng hangin ang sinabi ko sayo.”
“Alam mo ba ang mga paraan para hindi na nila ito gawin sayo?” Matagal bago siya tumango. Na para bang pinag isipan niya ng mabuti ang tagubilin niya sa akin. Nakinig ako sa mga utos niya at pinangako na gagawin naming magkasama ang aming plano. 

Ngunit hindi siya nagpakita ng umagang iyon at ng sumunod na araw. Isang lingo ko siyang hinintay. Kapag tinatanong ko ang aming guro, sinasabi lamang nito na nagkalagnat si Jonelin at hindi kayang pumasok. Tinanong ko ang bahay kung saan nakatira si Jonelin. Ibinigay naman sa akin ang direksyon ng aming guro.
Hindi ako pumasok sa araw na iyon. Unang beses akong nag cutting. Pero hindi ako nagsisisi. Pumunta ako sa bahay nila Jonelin. Ito ay nasa dulo ng kakahuyan. Hindi ako masyadong nakaramdam ng pagkatakot. Una, umaga. Nakikita ko ang mga nakaharang na bato, ang mga halamang laging nagpapansin. Sumasabay din sa akin ang pag awit ng ibon. At pakiramdam ko, kilala na ako ng kapre dahil hindi ako naligaw. Namataan ko si Jonelin na nakadungaw sa bintana. Kumaway ako at tinawag siya. Nagulat ata siya dahil hindi agad niya naisigaw ang pangalan ko.
“Bakit ka nandito?”
“Kailangan na nating gawin ang plano natin. Kaya mo ba o ako na lang ang gagawa?”
Mabilis siyang tumalima. “Kaya ko.” Lumabas siya ng bahay. At nagsimula na kaming maglakad. Mabagal lamang ang aming paglakad. Nanghihina pa rin siya hanggang ngayon. At mas lalo pa ata siyang pumayat.
“Mag isa ka lang sa bahay niyo?”
“Oo. Umalis ang lola ko. Namalengke.”
Una naming pinuntahan ang Duwende. Nag alay kami ng dasal at awitin. Ako ang umawit. Malabo daw kasi ang mga mata ng mga duwende ngunit napakatalas naman ng pandinig nito. Gustong gustong makarinig ng malamyos na awitin. Hindi ko lang alam kung malamyos ang tinig na lumalabas sa aking bibig base na rin sa pagpipigil na pagtawa ni Jonelin. “Humanap tayo ng matabang puno.” Humagikgik si Jonelin at nagsabing, “Wag kang masyadong maingay. Baka marinig ka ng Batibat.” Pero kung isang matabang nilalang ang batibat, hindi ba dapat ay sa malaki rin siyang puno nakatira. “Hindi naman. Hindi sa laki nasusukat ang kakayahan niyang gawing tirahan ang punungkahoy.” Kinuha ko kay Jonelin ang kahoy na natagpuan sa kanilang bahay at inilagay ito sa sanga ng punungkahoy sa pinakapusod ng gubat.
Maya maya, nagdala ng mabining ambon ang tanghalian. Sumilong kami sa isa sa mga puno doon.
“Alam mo ba, sa mga ganitong pagkakataon, ang sabi ng lola ko, nagpapakasal daw ang mga tikbalang.”
Napakunot ang noo ko. “Hindi pwede sa ibang araw? Dapat may ambon at araw pa rin?” Tumango si Jonelin. “Oo. Mas malakas daw kasi ang kapangyarihan nila sa mga panahong ito sapagkat ang dalawang bagay na magkasalungat ay biglang pinag-iisa. Kumukuha nga rin sila ng asawa kahit hindi nila kapwa tikbalang.”
“Ikaw, gusto mo bang maging asawa ang tikbalang?” tanong ko. Nagkibit balikat lamang siya.
“Pwede rin. Mabilis silang tumakbo at siguradong poproteksiyunan nila ako. Kaya lang, baka pati tikbalang ay kaayawan din ako. May lason pa rin ako dahil isa akong Mandurugo. Hindi sila kukuha ng magiging dahilan ng kanilang kamatayan.” Wala akong naisagot sa kanyang pananaw. Kung ako ang tikbalang, siguradong pakakasalan ko siya. Kamatayan o pag ibig? O kamatayan sa pag ibig? Pero sa puntong iyon, hindi pa alam ng batang puso ko ang bigat ng dalawang salitang iyon. Hindi pa nito alam na maaaring ibigin ng isang batang babae ang halik ng isang batang lalaking nagnanais na maging tikbalang sa sandaling iyon upang maipahiwatig sa lahat ng nilalang na maaari niya ring pakasalan ang batang babaeng nagsasabing isa siyang Mandurugo.
Gumanti ng halik si Jonelin. Ngunit hindi na ito ang  Jonelin na mahilig magkuwento. Hindi na ito ang Joneling nagsasabing isa siyang Mandurugo. Iba na ang Jonelin na kanyang yakap yakap ngayon. Hindi niya na kilala ito. Katulad ng hindi niya pagkakilala sa batang babaeng nasa loob ng kabaong. Yumakap ang lola ni Jonelin sa kanya. Umiyak ito. Siya? Nakalimutan niya na ang ginawa niya ngunit hindi ang kanyang damdamin. May galit. May tampo. Ito ba ang resulta ng panget niyang boses? Bakit hindi pa rin sila pinatawad ng duwende? Bakit hindi pa rin tinigilan si Jonelin ng Batibat? Isinama ba siya nitong tumira sa punongkahoy na iyon? O baka, o baka nagalit ang tikbalang dahil inunahan niyang pakasalan si Jonelin kaysa dito?
Naghintay pa ako ng maraming araw hanggang sa tumagal ng taon. Baka ibalik nila si Jonelin, baka inilagaw lamang ito ng kapre at hanggang ngayon ay patuloy pa rin nitong hinahanap ang sarili. Baka sa pagkakataong ito, siya na ang dapat maghanap kay Jonelin. Kaya naman, hinanap ko sa iba’t-ibang klase ng gubat ang kalaro. Ngunit ibang Jonelin ang natagpuan ko sa makitid at maliit na eskinita ng Avenida. Hindi na ito nagtataglay ng singkit na mga mata. At ang pagkukwento nito’y laging ginagamitan ng haplos. Sa pagitan ng halik ay naitanong ko, “Isa ka bang Mandurugo?” Hindi siya umimik.





 Ito ang opisyal na maikling kwentong  aking lahok sa Saranggola Blog Awards 10. 







No comments:

Post a Comment