Saturday, 13 October 2018

BUTAS









Rinig na naman ang hagulgol ng langit
Bawat pagpatak sa butas na maliit
Di pa rin maalis, angal ng sikmura
Tuluyang lumamon sa hapis na mukha.

Malayo ang tingin, waring naghihintay
Pilit sinantabi, tensyong umagapay
Malamig na gabi, mag-isa sa dilim
Materyal na bagay ang tanging kapiling.

Ang isa’y nagising sa hirap ng buhay
Mawawala, basta’t may kahawak-kamay
Ang isa’y lumaki sa mundo ng ginto
Ngunit sabik pa rin, pagsinta ng puso.

Tao’y di perpekto, may kulang, may sobra.
Sa mundo na pawang laro ng baraha
Walang katiyakan, hindi magkatulad
Ngayon mo sabihin sino ang mapalad?







Ito ang nagpasimula ng aking pag-ibig sa paglikha ng mga tula. Hirap na hirap akong gumawa ng tulang ito ngunit sulit naman pala dahil nagustuhan ito ng aking guro.. Happy memories .........2x

No comments:

Post a Comment