Saturday, 13 October 2018

Si Mariang Goldfish





Sa isang malawak na karagatan nakatira si Maria. Isa siyang goldfish, isang uri ng isda na may makintab na kulay na parang sa balat ng hinog na dalandan. Ngunit kaiba sa kanyang mga kalahi, siya ang may pinakamagandang kaliskis. Napakakintab niyon. Kapag gumalaw siya, lahat ng mga lalaking goldfish ay titingin sa kanyang mabining paglangoy. Ang kanya ring mga mata ay malalaki at waring nangungusap. Kaya't kapag siya'y humiling,mapapasunod ang kung sinumang kausap niya. Hindi rin naman ito lingid sa kaalaman ni Maria. Masayang-masaya siya sa mga papuring natatanggap.
Minsan, kinausap ni Luna at ni Linda si Maria. Gusto nilang makipagkaibigan kay Maria.
"Maria, gusto naming maging kaibigan ka. Ako pala si Luna at ang kasama ko naman ay si Linda. " Ito ang masayang bati ni Luna kay Maria.
Imbes na sagutin ay tinignan lamang sila ni Maria ng matagal.
Hindi maunawaaan ni Luna at ni Linda kung bakit sila tinitignan ng ganoon ni Maria. Upang mabasag ang katahimikan ay nagtanong ulit si Luna.
"May problema ba Maria? "
"Oo." Ang walang emosyong sagot ni Maria. "Ayokong maging kaibigan kayo."
Nasaktan si Luna at si Linda sa narinig.
"Bakit? May mali ba sa amin? May nagawa ba kaming kasalanan sa iyo?"
"Wala. Hindi ko lang maatim na makasama kayo. Naaawa ako sa inyo kapag nadikit kayo sa akin. Sa ganda ng aking kaliskis, baka hindi kayo mapansin ng mga ibang mga isda. Ayoko rin sa mga isdang malalamya ang kulay, hindi bagay sa maganda kong anyo."
Pagkasabi niyon ay mabilis ng lumayo si Maria. Taglay pa rin niya ang mabini at kaakit-akit na paglangoy ngunit lumabo na ito sa paningin ng dalawa dahil mas naghari ang mayabang na ugali ni Maria. Hindi lang si Luna at si Linda ang pinakitaan ni Maria ng ganoong ugali pati lahat ng mga isdang nagtatangkang makipagkaibigan sa kanya. Minsan nga pati ang kanyang mga magulang ay ayaw niyang makasama, nahihiya siyang makita ng ibang mga isda na dito siya nanggaling. Hindi naman kasi angkin ng kanyang mga magulang ang kakaibang ganda ng kanyang anyo. Dahil sa kanyang hambog na ugali, wala siyang naging kaibigan. Nanatili siyang nag-iisa.
Isang araw, ang lahat ng mga isda ay sama-samang kumakain. Si Maria ay kumakain ng mag-isa, malayo sa  karamihan. Walang anu-ano'y dumilim ang paligid. Mayroon silang naririnig na malakas na ingay. Nagkagulo ang lahat. Ang lahat ay lumangoy ng mabilis katulad ni Maria. Ngunit kataka-takang siya lamang ang hinahabol ng kung anuman. Siya lamang ang gustong kuhain at kahit anong tago niya ay nakkikita pa rin siya. Pagod na pagod na siya pero kailangan niyang lumangoy. Hinahanap niya ang kayang pamilya ngunit hindi niya ito makita.
Naramdaman niyang may humawak na sa kanyang katawan. Bago siya maangat mula sa dagat ay  nakita pa niya ang nakakaawang tingin ni Luna, Linda, ang kanyang pamilya at ang lahat ng kanyang kalahi. Gusto pa sana niyang magpumiglas ng marinig niya ang sinabi ng kumuha sa kanya.

"Mabuti na lang at makintab ang kaliskis nito, makikita natin kahit magtago pa siya."
Pumailanlang ang mga halakhak nito. Sa unang pagkakataon ay kinaayawan ni Maria ang kanyang magandang anyo.



----- Sa totoo lang mahirap pa lang gumawa ng kwentong pambata. Kadalasan kasi dapat may makitang magandang pag-uugali ang isang kwento. Nahirapan pa akong mag-isip, mabuti na lang at nakita ko ang aking goldfish.. (well, technically hindi talaga ito goldfish, pero hawig naman ng maganda kong alaga ang goldfish kaya hindi na ako naglaan pa ng maraming oras sa pagkilala ng lahi ng aking alaga... at hanggang ngayon din pala eh hindi ko pa alam ang gender ng aking alaga... wahaha... basta nase-sense kong babae siya.. yun lang.. presenting siya yung nasa ibaba.. Hurray, Maria!!!!!






No comments:

Post a Comment